Pahapyaw na Pag-amin: Kung Bakit Ako Selosa*

*naisulat ko ito noong June 28, 2014

Minsan may nagsabi sa aking sakim raw ako. Masyado raw akong gahaman sa posisyon ko sa buhay ng isang tao, na ultimong hindi ko teritoryo sa buhay niya ay inaangkin ko. Sakim raw ako. Sakim–ang siyang pinag-uugatan ng aking pagiging selosa.

Walang magandang dahilan na maipangdedepensa sa pagiging selosa. Ang isang taong selosa ay takot, hindi ganap na alam ang kasiguruhan niya sa lugar niya sa buhay ng isang tao at sakimm at may isang pagkakataon sa buhay ko na una ako nakaramdam ng pagseselos na nasa anyo ng pagka-inggit. 


May bagong tsinelas noon ang pinsan ko na halos kasing-edad ko. Maganda yon. Alam kong gawang Marikina dahil yun ang makikita sa likod. Kulay pink. Maraming kung ano-anong beads ang nakalagay. 9 na taon ako noon. At sa unang pagkakataon, pinangarap kong magkaroon non–hindi lang yon, pangarap kong bilhan rin ako ng nanay ko ng ganun. Yung sa pinsan ko kasi, yung nanay niya ang bumili. Sana ako rin. Nakakainggit.


Lumaki naman kasi ako na ang pamilya ko nakita akong matapang, kayang manindigan at tumayo sa sariling paa.

Kaya nung 11 anyos ako, hindi ko alam paano ko sasabihing nireregla na ako. Nakikita ko lang tiyahin ko na may ginagamit siyang panghugas ng ari niya. ‘Lactacyd’ yung nakalagay. Nalito ako dahil ganoon rin yung pangalan nung gugo para sa bata. Pero walang nakapag paliwanag sa akin na may uri non. Isa infant shampoo, at isa ay feminine wash. Yung pagreregla kong yon sa unang pagkakataon, nalaman lang nang aksidente akong natagusan at nakita ng pinsan ko. Sabi pa nila, “Dalaga na si Bing!” Ang alam ko may ritwal dun. Wala namang nagturo sa akin. Ayos na siguro ‘yon.

Nang magsimula akong tumira sa lola ko, ako na rin ang naglalaba ng mga damit ko. Napansin ko, paulit-ulit yung mga damit ko. Mabuti at binibilhan ako ng isa kong tiyahin tuwing magpapasko. Ang saya-saya ko kapag ganon, kasi madadagdagan ang mga paulit-ulit kong sinusuot na damit. Pero nagtaka ako, Agosto pa lang non, bakit kaya may mga bagong damit ang mga pinsan ko? Hindi pa naman pasko ah. At dun ko nakita na mahirap palang ikaw ang naglalaba ng damit mo kasi wala sa piling mo yung taong pwedeng bilhan ka ng damit kahit hindi pasko. Nainggit na naman ako.

Pagtungtong ko ng hayskul, mas naintindihan ko na may kakaiba. Magigising ako noon sa sigaw sa bahay na, “Kayo! Mga tanghali na magsipulas. Si Diana nga nakabili na ng sabon at maglalaba’t linis na sa kanila!” At syempre babangon ako. Si Diana nga pala ay malayong kapitbahay. Dati kasi may tindahan sa bahay na tinitirahan ko. Alam kung bibili na siya ng sabon para maglaba. Dahil tamad ako, walis, punas ng sahig, laba at plantsa ng uniporme lang ang ginagawa ko. Tamad kasi ako. Nakikita ko kasi yung mga pinsan ko na alas-onse na ng tanghali babangon kasi ayos lang sa mga nanay nila na hindi sila maglaba, o magluto, o maglinis. Nakakainggit.

Tumindi ang konsepto ng pagseselos sa utak ko ng sa bahay maririnig at diretsuhan akong kinukumpara sa pinsan kong nagtapos na valedictorian. Ako kasi nagloko. Nagpabaya. Pumatol kasi ako nun sa tomboy at nawala sa sarili. “Bakit kasi Bing hindi ka na lang rin lumipat sa BEC (Basic Education Curriculum)? Baka malay mo magtop one ka rin gaya ng pinsan mo?” Nasa Science class kasi ako. Nagtaka nga ako. Maayos naman mga marka ko. Ano bang mali sa akin? Siguro kasi hindi nila ako kasing galing. Nakakainggit.

Minsan sa buhay ko may minahal akong tomboy. Sobra. Halos ikamatay ko. Pero naging kagaya siya ng iba kong kamag-anak. Piniga ako hanggang sa wala na akong maibigay. Sa huli, ako pa rin hinusgahang masama. Hindi ko alam bakit hindi ako makahanap ng taong handang yakapin ang pagiging ‘kulang’ ko. Yung ako. Ako na ako lang.

Hanggang sa nakilala ko ang taong itinuturing ko ngayong bespren. Matagal kong tinanggi sa sarili ko na selosa ako o inggitera hanggang sa kusang lumabas dahil sa madalas kong pagseselos sa mga nobyo o bago nyang kaibigan. Hindi ko napigilan. Marahil selos na sinupil.

Sa tuwing may mamahalin ako, kaibigan o karelasyon man, higit sa isang daang porsyento ang inaalay ko. Natatakot kasi akong makahanap sila ng iba na higit sa kaya ko ang maibibigay. Napapagod na kasi akong maging ‘never good enough’.

Nagseselos ako dahil minsan, sa mga taong sobra kong inaalagaan at minamahal, nakakakilala sila ng taong kagaya ko rin–masiyahin, makwento, ‘yung ako. Doon bumabalik sa alaala ko ang minsang sinabi ng pamilya ko, “Bakit di ka na lang kasi mag-BEC para magtop-one ka naman gaya ng pinsan mo?”

Hindi pa kaya naging sapat na nasa Science class ako noon, na pang-siyam ako. Na best dancer ako. Na best in investigatory project ako. Na SSG president ako. Na nagbigay karangalan ako sa school sa mga patimpalak.

Hanggang sa oo nga. Hindi naging sapat. Nang magtapos ang pinsan ko sa hayskul, nagpatay sila ng baboy. Nang ako na ang nagtapos, bumili sila ng ilang kilong manok. #


Comments

Leave a comment