Lunes: Isa-isang hinipo at hinawak-hawakan mo kung aling kasagutan ang magbibigay ng lakas ng loob na kakailanganin mo. Smirnoff ang nagwagi. May iba itong tamis. Gusto mo pang sipsipin ang iyong labi sa bawat lagok. Gusto mong kaladkarin ng lasang hindi pumapait. Ngunit nagkamali ka na naman. Ilang segundo at may pagpait na sa lasa. Kagaya rin ng damdamin mo sa kanya.
Martes: Muling nagparamdam si Smirnoff. Kulang na ang limang round. Marahil sa ika-anim o pito, kaya mo na ulit siyang harapin at ipaliwanag: “It’s not you, D_ _ _ _. It’s…”
Pero hindi mo pa kaya. Hindi mo pa siya mahaharap.
Miyerkules: Sa dinami-dami na ng pinagsaluhan ninyo ni Smirnoff, hindi mo mawari kung bakit sa muling pagbukas ng kaha ng kasagutan ay may titig na tila nagtatapat ng pagnanasa itong si Red Horse. Para bang may sipa ng pag-ibig. ‘Yung ibabayo ka hanggang sa pagguho ng mundo.
Huwebes: Nagpalunod ka na sa sipa at bagsik ni Red Horse. Bawat higop, lasap at tungga may ibang pait at tamis na humahagod sa iyong lalamunan. Tuloy-tuloy na’t tinanggap mo ang pagtatapat ni Red Horse. Magdamag, hindi ka niya iniwan.
Biyernes: Nag-uumapaw na naman ng posibleng kasagutan ang iyong kaha. Isa-isa mong binulatlat ang bawat nananaghoy na sagot—Vodka, Emperador, Fundador, Generoso, San Miguel Light, Baccardi, Tanduay Ice. May pagkalunod nang sanhi ang kalasingan. Unti-unti ay inanod ka na sa karagatan ng kalakasan, upang tuluyan mo nang masabi: “D_ _ _ _, ako…ako…”
Sabado: Iniismiran mo na ang mga kasagutang kagabi lang ay iyong sinamo upang damayan ka. Hindi ka naman nila talaga kayang tulungan. Hindi nila magagawang palayain ang katinuang gusto mong basagin.
Linggo: Nakasalansan na ang mga hungkag na kasagutan sa iyong kaha. Lahat ng ito’y hinele ka lang naman talaga sa pag-idlip. Puro pampaantok lang. Ngunit ngayong tirik na tirik na ang araw, iiwan mo na ang mga posibleng kasagutan. Nakapagdesisyon ka na. Iiwan mo na sila.
At ganoon na rin ang gagawin mo kay D_ _ _ _.
* barik – salitang Mindoro para sa pag-inom ng alak *para kay Roxanne Janelle A. Amulong *isinulat: Hunyo 29, 2017
Leave a comment