Ako at CNF: Nasaan na tayo?

Hindi talaga ako pala-basa growing up.

Bukod sa wala naman talaga sa budget ng pamilya ang bumili ng nobela o magasin na pwedeng basahin, hindi ko pa rin noon alam na may mga preloved bookshops pala. National Bookstore lang talaga ang kilala kong bilihan ng libro, at sa amin, ang pagpunta sa National ay nangangahulugang pagbili ng mga bagong school supplies. Madalas eto na rin ang pa-birthday sa akin, kasi sakto na Mayo ang pamimili ng mga gamit. Wala pang masyadong namimili pag mga akinse tayo bumili neng, sasabihin ng tita ko na kung tawagin ko ay Mama. 

Madalas kapag gusto ko magbasa, either pupunta lang ako sa library ng school, o di kaya ay manghihiram sa mga kaklaseng adik na adik sa Harry Potter series, kaya sila rin yung nakakabili ng mga libro. Kapag sa library kasi, madalas mga almanac o mga donated reference materials and nakikita. May mga ilang back issues ng Readers Digest, na eventually kinaadikan ko bilhin buwan buwan. Ang amazing ng mga nakasulat sa Readers Digest, naiisip ko.

Gusto ko rin sana makapagsulat doon; pero noon, bakit ba parang wala akong alam gawin. Pano ba kasi ‘yun dati? Wala akong ideya.

Kaya kapag gusto ko na lang magbasa, tatanungin ko si Eric or si Ara. Baka sakaling may Book 5 sila ng Series of Unfortunate Events. At sa klase namin, naging ikutan ang pagbabasa ng series na ito. Tanging ang series na ito ang pinakamahabang libro na nabasa ko.. Maliban syempre sa mga required readings gaya ng Hope for the Flowers, The Alchemist, The Little Prince. Sa naalala ko, ‘yun lang talaga ang mga nabasa ko. Plus mga K-zone magazines na paunti-unti kong binabasa kapag andon ako sa bahay ng pinsan ko. Ang dami nya non. Buwan buwan binibilhan sya ng mama nya. Salamat sa kanila na-appreciate ko kahit papaano ang pagbabasa.

Pero hindi ko talaga hilig magbasa noon. 

Ang marami ako noon ay mga stationery set, mabango at malinis, bibilhan kami ni Mama tapos ‘yung pinsan ko, itatabi nya at iipunin. Ang kapal na ng bungkos ng mga stationery set nya, samantalang ako, gagamitin ko agad– nariyang susulatan ko ng kantang unang na-compose ko noong Grade 3 ako: “Love is Forgettable.” Ewan ko rin bakit ganun ang title–pero sa kulay blue na may bear na design at matamis na amoy ng roses pag-inamoy. Nauubos agad ang mga stationery set ko, at pagagalitan ako ni Mama kasi magpapabili ulit ako. May ibang feeling ako kapag nakakapagsulat ako sa stationery. 

Maraming pagkakataong pagsusulat ang sumagip sa akin. Literal.

Noong hindi nagtatag-op ang kinikita ko sa pagtuturo, may mga kilala akong ginagawa akong Ghost Writer para sa mga website nila na need ng isang client for publicity/work promotion. I write for them pero syempre byline noong nagbayad. Mahina ang 1000Php per 300 words noon. Malaki na ‘yon sa akin, dahil naeenjoy ko naman talaga ang mga sinusulat ko–minsan fiction, minsan academic article, minsan speech, personal essay at kung ano ano pang genre. Na-enjoy ko ‘yun, pero ni minsan hindi ko naisip gawing propesyon o linya ng trabaho ang pagsusulat–sobrang mahal ko at baliw ako sa pagtuturo. Hindi ko naisip noong mga panahong ‘yon na aalis ako isang araw sa academe (ibang kwento ito). 

Noong nagsimula akong mag-masters, wala na akong choice kundi magbasa. Pinasok ko ang MAEd Literature–hindi ko na rin alam bakit. Lasing ata ako noong pumili ng majorship. Pero naging mahirap ang simula ng MA journey ko. Mapurol ang utak ko sa pag-analyze dahil mababaw ang salalayan ko ng Literary Criticism, kasama pang hindi Literature ang undergraduate degree ko, kaya hindi ako nakapagbasa ng kasing dami ng mga akdang nabasa ng mga kaklase ko. Mahirap, nakakapangliit, nakakapanglumo.

Marahil narinig ng universe ang frustrations ko kasi ang daming reading materials at wala akong malaking budget–nakilala ko si Kuya AJ ng Books from the Underground. Unang librong nabili ko doon ay The Female Eunuch ni Germaine Greer. Iyon talaga ang nagpasidhi ng feministic heart ko. At sunod sunod, kasama na rin ng mga librong kailangan ko basahin for Masters, na-offeran ako ni Kuya AJ ng marami pang mga libro na mismong sya ay nabasa nya. Alam nya itong librong ‘to very Post-colonial o di kaya ay Post-modern. Naku ma’am, may ibang transformative power si Hesse, sinabi nya minsan, kaya eventually, ginawa kong required reading sa isang Literature class na hawak ko ang Siddharta. Empowering, moving. Tama si Kuya AJ. Kung meron akong book advisor, for sure kay Kuya AJ ang title na ‘yon.

Everytime may iooffer syang libro, para akong nahihipnotize na bibili non.

Ang saya ko. Partly it was introducing me to a new world of baffling knowledge and perceptions, pero ang mas malaking bahagi, this heals a big part of my childhood–ang kawalan ng means to buy the books I want to buy. Finally, sa Books from the Underground, posible na. Another child healed. 

Noong mas naiintindihan ko nang mas makapagsusulat ako kung nagbabasa ako, mas binigyan ko pa ng oras ang pagbabasa. Nariyang nag-hoard na talaga ako ng bulto bultong libro. At some point, umabot sa hindi lang 500 piraso siguro ang librong pagmamay-ari ko.

Pero ang pagkakaroon at pagbabasa pala ng libro ay dalawang magkaibang bagay.

Nauwi lang sa pagdodonate ang mga librong ginastusan ko at di naman nagawang basahin lahat. Nagsimula akong mag-practice ng minimalism/death cleaning/intentionalism–kapalit ang paglet go ng aking mga libro. Sa pagkawala ng mga libro, hindi ko na rin makita ang mapa pabalik sa pagsulat ko. #


Comments

Leave a comment