April 3, 2015 at 3:28am
“Lagi ka na lang galit! Mga maliliit na bagay ay pinalalaki mo!”
Gayon na lamang ang gigil sa galit ng Munting Prinsipe. Ni hindi nagawang bumuka ng bibig ng Rosas. Marahil ay pagkakamali nga niya iyon. Dahil sa kanyang pagkamakasarili ay napuno na ang Munting Prinsipe.
“Ayoko nang makita ka..”
At hindi na nga sumagot ang Rosas.
May ilang buwan na rin at hindi na mawari ng Munting Prinsipe kung saan na nagtungo ang kanyang Rosas—ang noon ay kanyang Rosas.
Mula sa kanyang kinauupuan ay may narinig siyang halingling. Sigurado siyang kilala niya ang tunog ng tawa na iyon.
“Ang aking Rosas..”
Natigilan ang Munting Prinsipe.
Sa harap lamang niya ay nakita niya ang kanyang Rosas—hawak ng ibang Prinsipe. Masaya ang kanyang Rosas. Masaya kahit wala sya sa piling nito.
Nakita siya ng Rosas. Ngumiti ito.
Walang ano-ano’y nagsalita rin ang isa pang Prinsipe.
“Ikaw pala ang Munting Prinsipe. Ikinagagalak kong makilala ka.”
Susulyapan pa lang sana ng Munting Prinisipe ang Rosas ay biglang “Mauna na kami, Munting Prinsipe..”
At hindi na muling nakita ng Munting Prinsipe ang Rosas. Ang kanya sanang Rosas, na tila ginawa nang libangan ang magalit sa kanya, makita ang kanyang kamalian, magtampo. Ang kanya sanang Rosas na nakahanap na ng kalinga ng iba…
Leave a comment