Ikaw na may mabuting puso, na mamahalin namin palagi–

Nagkadaupang-palad na ba tayo? Nahawakan mo na ba ang mga kamay ko? Nayakap na ba kita? Nagkwento ka na ba ng mga nangyari sa araw mo? Naririnig mo ba ang mga bulong ko na umuwi ka na; mag-iingat kang palagi; mahal ka namin; kami ang pamilya mo?
Palagi nilang sinasabi na sa hinaba-haba man raw ng prusisyon, sa simbahan pa rin ang tuloy. Pero hindi pa man tayo magkakilala o hindi ko pa man nakwento sa’yo na gusto ko sana ng dalawang anak – isang babae, isang lalaki. Gusto kong dinadala ang Machiavellian principle na the end justifies the means, kaya isusunod ko kay Niccolo ang pangalan ng anak nating lalaki; at magiging Niccola naman sa babae. Gusto mo ba ang tunog ng pangalang ‘yon? May gusto ka bang baguhin sa spelling? May James at Sienna pa ‘yang kasama. Okay na ba ‘yun? Maganda nang pangalan? Babagay na ba sa apelyido mo?
Pero hindi ko pa alam ang pangalan mo.
May mga araw na pakiramdam ko nakasalubong na kita sa mall, o di kaya ay nakasakay sa bus. Iniisip ko kung ang choice of perfume mo ba ay woody, o di kaya’y musky. O baka naman fruity. Ganon pa man, sigurado akong may iniiwang halimuyak ang pagdaan mo. Dahil hindi ka rin lalayo kung sakaling pagtagpuin na tayo ng mundo.
Pero hindi ko pa alam ang tirahan mo.
Paborable ka ba sa ideya na working mom ako at may kagustuhang ma-build ang aking career? Hindi ka naman siguro chauvinist at machista ano? Kung gusto mo sa isang tahimik na pamayanan natin buuin ang pamilya natin at doon palakihin ang mga bata. Wala akong pagtutol sa paraan ng pamumuhay na magkakaroon tayo, basta’t hindi magkukulang sa pangangailangan nina Niccolo at Niccola.
Pero hindi ko pa kilala ang pamilya mo.
Matutuwa ba ang mga magulang mo kung magiging bahagi na ako ng pamilya ninyo? Huwag kang mag-alala; buong-puso kang tatanggapin at mamahalin ng pamilya ko–at kung kulangin man yun, sisiguruhin kong bubunuan ko lahat kakailanganin mong pagmamahal para hindi mo maramdamang wala kang pamilya. Kami – ako, si Niccolo, si Niccola – ang pamilya.
At kahit ano pang “pero” ang ilatag ko, sa dulo nito ay ikaw pa rin ang pipiliin ko. Sa bawat paglapit ng araw na magtatagpo tayo, mas lalo akong nagigiyang sa buhay na mayroon ako ngayon.. dahil sa pagdating mo sa mundo ko, siguradong dadagundong ito. #
*see you soon β€
Leave a comment